Tumutukoy ang tunggalian sa pakikipaglaban ng pangunahing tauhan upang masolusyunan ang suliraning kaniyang kinahaharap sa akda. Kinapalolooban ito ng dalawang magkasalungat na puwersa. Pinupukaw nito ang damdamin ng mga mambabasa sa paglalahad ng istorya.
Mayroong tatlong uri ng tunggalian: Tao laban sa kalikasan (Pisikal), Tao laban sa tao (Panlipunan), Tao laban sa sarili (Sikolohikal/Panloob)
Tao laban sa kalikasan (Pisikal) - Tumutukoy ito sa tunggalian sa pagitan ng pangunahing tauhan at kalikasan tulad ng lindol, pagbaha, pagguho ng lupa, pagsabog ng bulkan, tsunami, at iba pa
Tao laban sa tao (Panlipunan) - Ito ang pakikipagtunggali sa pagitan ng pangunahing tauhan sa lipunang kaniyang ginagalawan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang diskriminasyon, lahi, antas ng lipunan, at iba pa.
Tao laban sa sarili (Sikolohikal/Panloob) Ito ang tunggaliang tao laban sa kaniyang magkasalungat na pananaw o layunin. Sa tunggaliang ito, nagkakaroon ng kalituhan ang pangunahing tauhan sa pipiliin o susundin na nagdudulot sa kaniya ng suliranin.