Masistemang Balangkas - Ang ibig ipakahulugan nito ay kaayusan o order. Bawat wika kung ganoon ay may kaayusan o order ang istruktura. May dalawang masistemang balangkas ang wika: ang balangkas ng tunog at balangkas ng kahulugan.
Pantao - Malinaw ang sinasabi ni Gleason na ang wika ay pantao. Naiiba ang wikang pantao sa tunog na nililikha ng mga insekto at hayop. Ang wika ng tao ay may sistema at kahulugan.
Natatangi - Ang bawat wika ay may sariling set ng tunog, mga yunit pangramatika at sistema ng palaugnayan.
Dinamiko - Ang panahon ay patuloy na nagbabago kaya ang pamumuhay ng tao ay nagbabago rin dulot ng agham at teknolohiya at dahil dito ang wika ay nagbabago.
Nakaugnay sa Kultura - Taglay nito ang kultura ng lipunang pinagmulan nito. Ang sining, panitikan, karunungan, kaugalian at paniniwala ng mamamayan ang bumubuo ng kultura.
Sinasalitang Tunog - Maraming mga tunog sa paligid na makahulugan ngunit hindi lahat ay maituturing na wika. Ang mga tunog ng isang wika ay nabubuo sa tulong ng iba't ibang sangkap ng pagsasalita tulad ng dila, labi babagtingang tinig, ngalangala at iba pa.
Ginagamit sa Komunikasyon - Ang komunikasyon na mula sa salitang communis na ang ibig sabihin ay to work publicly with ay nagbibigkis sa mga tao upang magkaisa. Ito ay nagsisilbing pandikit upang ang mga mamamayan ay magsama-sama tungo sa pagkakaisa.
Ang Wika ay Ginagamit - Kailangan itong gamitin na instrumento sa komunikasyon. Unti-unting mawawala ito kapag hindi ginagamit.