Kinakailangang maging mapili sa mga salitang gagamitin. Gamitin ang salitang angkop sa propesyon ng sinusulatan. Ang mga salitang ito ay di lamang nagpapataas ng dignidad ng sinusulatan kundi ginagawa rin nitong madali ang transaksiyon.
Solidong Diwa
Buong-buo ang pagpapahayag ng wika na hindi nag-iiwan ng kakulangan sa impormasyon. Mahalaga ring ang nilalaman ng liham ay kongkreto at natitiyak na kakayaning isagawa.
Magalang
Ang mabuting liham, katulad ng taong magalang sa pakikitungo sa kanyang kapwa, ay kinalulugdan at kinawiwilihan. Nakapagpapatibay ito ng ugnayan ng sumulat at sinulatan. Ang pagiging magalang ay makikita sa paggamit ng matatapat at wastong mga salita sa pagpapahayag ng sarili sa sinulatan.
Pagsasaalang-alang sa Kapakanan ng Iba
Sa pakikitungo sa kapwa, hindi palaging mapanghahawakan ang iyong sarili sa anumang pagpapasiya sapagkat ang iyong kagustuhan ay hindi maaaring kagustuhan ng nakararami. Mahalagang mapag-aralan at malaman ang interes at kawilihan ng iba bago ka sumulat. Kung gusto mong magustuhan ang iyong likhang sulatin ay dapat umayon ito sa kanilang interes.
Maikli
Ang haba ng liham ay dapat isaalang-alang upang maipahayag ang mensahe nang walang labis at walang kulang. Ang liham ay mapaiikli lamang hanggang sa habang lohikal. Hindi kinakailangang gumamit ng matayutay na pagpapahayag. Ang kailangan ay ang tuwirang paglalahad ng impormasyon sa taong sinusulatan. Maaaring maging daan pa sa malabong pagkakaunawa sa mensahe ang napakahabang paglalahad ng mensahe nito.
Tiyak
Iwasan ang paggamit ng mga salitang abstrakto at mga pangkalahatang salita. Higit na dapat gumamit ng mga salitang kongkreto at eksakto upang maging tiyak at diretso ang pinupuntong mensahe.
Wasto
Sikaping maging wasto ang liham sa pamamagitan ng walang pag- aagam-agam sa pagpapahayag ng mensahe. Siguraduhing tama ang taong susulatan ng lihan, wasto ang pagkakasulat ng pangalan at tirahan, at iwasan ang maraming salitang mali o nakalilito.
Katanggap-tangap o Maayos ang Anyo
Kailangang katanggap-tanggap ang liham dahil sa hitsura pa lamang ay maipalalagay na ng babasa nito kung maganda o hindi ang nilalaman ng sulat. Nakatutulong din sa kagandahan ng liham ang papel na ginagamit. Mabuting gamitin ang papel na may mataas na kalidad at karaniwang may letterhead. Ang mga uri ng letterhead ay maaaring pahigang mga linya, kombinasyon ng dalawang pahigang mga linya, patayong mga linya, piramideng mga linya, piramideng pabaligtad, at magkasalungat na piramide.