Ang tula ay isang akdang pampanitikang naglalarawan ng buhay, hinango sa guniguni, pinararating sa ating damdamin, at ipinahahayag sa pananalitang may angking aliw-iw at indayog. Ito ay naiiba sa ibang sangay ng panitikan sapagkat ito ay nangangailangan ng masusing pagpili ng mga salita, pagbilang ng mga pantig, at paggamit ng magkakatugmang salita upang madama ang isang damdamin o kaisipang nais ipahayag ng isang makata.