Artikulo II - Patakaran ng Estado
SEKSYON 10 - Dapat itaguyod ng Estado ang katarungang panlipunan sa lahat ng mga yugto ng pambansang pagpapaunlad.
SEKSYON 11 - Pinahahalagahan ng Estado ang karangalan ng bawat tao at ginagarantyahan ang lubos na paggalang sa mga karapatang pantao.
SEKSYON 12 - Kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay pampamilya at dapat pangalagaan at patatagin ang pamilya bilang isang saligang institusyon ng lipunan. Dapat nitong pangalagaan kapwa ang buhay ng ina at ang buhay ng sanggol sa sinapupunan mula sa paglilihi. Ang likas at pangunahing karapatan at tungkulin ng mga magulang sa pagmumulat ng kabataan para sa kahusayang sibiko at pagpapaunlad ng karakter na moral ay dapat tumanggap ng tangkilik ng Pamahalaan.
SEKSYON 13 - Kinikilala ng Estado ang napakahalagang tungkulin ng kabataan sa pagbuo ng bansa at dapat magtaguyod at mangalaga ng kanilang kagalingang pisikal, moral, espiritwal, intelektwal, at sosyal. Dapat nitong ikintal sa kabataan ang pagkamakabayan, nasyonalismo at pasiglahin ang paglahok nila sa mga gawaing bayan at sibiko.
SEKSYON 14 - Kinikilala ng Estado ang tungkulin ng mga kababaihan sa pagbuo ng bansa at dapat seguruhin ang saligang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan.
SEKSYON 15 - Dapat itaguyod at pangalagaan ng Estado ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan at ikintal ang kamalayang kalusugan sa kanila.
SEKSYON 16 - Dapat pangalagaan at isulong ng Estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolohiya nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.
SEKSYON 17 - Dapat mag-ukol ng prayoridad ang Estado sa edukasyon, agham, at teknolohiya, mga sining, kultura at pampalakasan upang mapabulas ang pagkamakabayan at nasyonalismo, mapabilis ang kaunlarang panlipunan, at maitaguyod ang ganap na paglaya at pag-unlad ng tao.
SEKSYON 18 - Naninindigan ang Estado na ang paggawa ay isang pangunahing pwersang pangkabuhayan ng lipunan. Dapat nitong pangalagaan ang mga karapatan ng mga manggagawa at itaguyod ang kanilang kagalingan.
SEKSYON 19 - Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakakatayo sa sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino.
SEKSYON 20 - Kinikilala ng Estado ang napakahalagang gampanin ng pribadong sektor, pinasisigla ang pribadong negosyo, at nagbibigay ng insentibo sa kinakailangang pamumuhunan.
SEKSYON 21 - Dapat itaguyod ng Estado ang komprehensibong pagpapaunlad na pangnayon at repormang agraryan.
SEKSYON 22 - Kinikilala at itinataguyod ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa loob ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad.
SEKSYON 23 - Dapat pasiglahin ng Estado ang mga organisasyong di-pampamahalaan, saligpamayanan, o sektoral na nagtataguyod ng kagalingan ng bansa.
SEKSYON 24 - Kinikilala ng Estado ang napakahabang gampanin ng komunikasyon at impormasyon sa pagbuo ng bansa.
SEKSYON 25 - Dapat seguruhin ng Estado ang awtonomiya ng mga pamahalaang lokal.
SEKSYON 26 - Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.
SEKSYON 27 - Dapat pamalagiin ng Estado ang pagkamatapat at pagkamarangal sa lingkurang pambayan at magsagawa ng positibo at epektibong mga hakbangin laban sa graft and corruption.
SEKSYON 28 - batay sa makatwirang mga kondisyon na itinakda ng batas, inaangkin at ipinatutupad ng Estado ang patakarang lubos na hayagang pagsisiwalat ng lahat ng mga transaksyon nito na kinapapalooban ng kapakanang pambayan.