Ang mga akdang patula ay may apat na uri: tulang pasalaysay, tulang pandamdamin o liriko, tulang padula o dramatiko at tulang patnigan.
Tulang pasalaysay ay kwento ng mga pangyayari at nasusulat nang patula, may sukat at tugma.
Tulang Pasalaysay - Nauuri ito ayon sa paksa, pangyayari at tauhan. Kung gayon, nasa ilalim nito ang epiko, awit at korido.
Epiko – tulang nagsasalaysay hinggil sa kabayanihan, katapangan at pakikipagsapalaran ng isang pangunahing tauhan sa gitna ng mga pangyayaring hindi kapani-paniwala.
Awit at korido - ay mga patulang salaysay na paawit kung babasahin. Pawang sa ibang bansa ang tagpuan ng mga pangyayari sa mga salaysay nito. Kinapapalooban ito ng romansa o pag-iibigan, pakikipagsapalaran, kabayanihan at kataksilan at mga pantakas sa karahasan ng katotohanan.
Tulang pandamdamin o liriko – mga tulang tumatalakay sa marubdob na damdamin na maaaring ng may-akda o di kaya’y ng ibang tao.
Tulang pandamdamin o liriko – Nasa kategoryang ito ang mga tulang awiting-bayan, soneto, elehiya, dalit, pastoral at oda.
Awiting-bayan ay maiikling tulang binibigkas nang may himig. Karaniwan itong nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon sa pamamagitan ng bibig ng tao, bunga nito’y hindi na matutukoy kung sino ang ay may-akda ng maraming mga kantahing bayan.
Soneto ay tulang may labing-apat na taludtod hinggil sa damdamin at kaisipan at karaniwang naghahatid ng aral sa mambabasa.
Elehiya ay tulang nagpapahayag ng panimdim dahil sa pagyao ng isang minamahal
Dalit ay isang tulang inaawit bilang pagpuri sa Diyos o sa Mahal na Birhen.
Pastoral ay mga tulang naglalarawan ng paraan ng pamumuhay sa kabukiran.
Oda ay isang tulang paghanga o pagpuri sa isang bagay.
Tulang padula o dramatiko ay mga tulang isinasadula sa entablado o iba pang tanghalan. Ang La India Elegante y El Negrito Amante ni Francisco Baltazar ay isang mahusay na halimbawa nito.
Tulang patnigan ay mga laro o paligsahang patula na noo’y karaniwang isinasagawa sa bakuran ng mga namatayan.